Hindi lang tanawin at tradisyon ang ipinagmamalaki ng Batanes, kundi pati ang disiplina at malasakit ng mga magsasakang Ivatan sa pangangalaga ng agrikultura’t kalikasan.

Sa bisa ng Administrative Order na nilagdaan ni Department of Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., noong Oktubre 8, 2025, pormal nang kinilala ng Department of Agriculture (DA) ang Batanes bilang Organic Farming Practioner Province.

Ang deklarasyong ito ay patunay ng matagal nang kultura ng mga Ivatan sa paggamit ng likas na pamamaraan sa pagsasaka, mula sa pag-aalaga ng lupa hanggang sa pagtatanim ng mga gulay, prutas at root crops na walang halong kemikal. Sa likod nito ay ang suporta ng anim na munisipalidad ng Batanes: Basco, Itbayat, Ivana, Mahatao, Sabtang, at Uyugan, na may kanya-kanyang ordinansa upang isulong ang organic agriculture.

Bago pa man ang pormal na deklarasyon, Abril 4, 2025, ipinasa ng Regional Agricultural and Fishery Council (RAFC) DA Region 2 ang RAFC Resolution No. 4, Series of 2025, na nagrerekomenda sa DA na ideklara ang Batanes bilang Organic Farming Practitioner Province. Ang inisyatibong ito ay bunga ng malawak na pagtutulungan nina Regional Executive Director Dr. Rose Mary G. Aquino, Farmer Regional Executive Director Dante B. Tobias, at ni Governor Marilou H. Cayco ng Batanes.

Ang parehong opisina nina Congressman Ciriaco B. Gato Jr. at Governor Ronald Poncio Aguto Jr. ay nagpasa rin ng kani-kanilang resolusyon na isinumite sa tanggapan ng Kalihim ng DA. Si Cong Gato rin ay personal na nakipag-ugnayan kay DA Secretary upang tiyakin ang agarang aksyon. Ang suporta at aktibong inisyatiba ng dalawang opisina ang nakatulong sa pagpapabilis ng pagsusuri at pag-apruba ng National Organic Agriculture Board (NOAB) at DA Central Office.

Matapos maipasa, ang resolusyon ay pormal na inendorso sa DA noong Mayo 7, 2025, at higit pang pinagtibay sa 80th NOAB Meeting na ginanap mismo sa Batanes noong Mayo 22, 2025, sa pangunguna ng DA RFO 2.

Bago pa man ideklara ang Batanes bilang lalawigan sa organikong pagsasaka, patuloy nang nagbibigay ng suporta ang DA sa mga Ivatan upang maisulong ang ganitong paraan ng pagsasaka. Sa ilalim ng Organic Agriculture Program, patuloy ang pagpapatupad ng Organic Agriculture Livelihood Project upang masuportahan ang mga Ivatan farmers’ cooperatives and associations (FCAs) sa pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan. Kasabay nito, isinasagawa rin ng Agricultural Training Institute (ATI) ang Youth Internship Program on Organic Agriculture, na nagbibigay sa kabataan ng pagkakataon na makilahok sa pagpapaunlad at pagpapalawak ng organic farming, at makatanggap ng capital assistance upang makapagsimula ng kabuhayan na naaayon sa prinsipyo ng organikong pagsasaka.

Bilang kinikilalang Organic Practitioner Province, mas paiigtingin ngayon ng DA at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batanes ang mga programa para sa:

  • Produksyon ng natural farming inputs
  • Produksyon ng organikong pataba
  • Pagsasagawa ng mga information drive
  • Pamimigay ng binhi at punla, kasama ang teknikal na tulong
  • Pagsasanay para sa mga magsasaka
  • Pagsasanay sa produksyon ng gulay

Sa deklarasyong ito, inaasahang higit pang uunlad ang agritourism industry ng Batanes dahil sa pagkilala rito bilang isang sustainable at biodiversity-friendly, isang lalawigan na nilalabanan ang panganib at tumutugon sa food security. Kasabay nito, inaasahang tataas ang kumpiyansa ng mga turista at mamimili sa mga produktong gawa sa Batanes. At, magiging mas madali na rin ang pagpasok ng mga programa at proyekto upang matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka lalo na sa larangan ng kabuhayan at imprastruktura.

 

Istorya ni Aza-zel T. Erro