Gamu, Isabela: Ang dati’y masukal na lugar, ngayo’y isa nang kapaki-pakinabang. Ito ang naipamalas sa isinagawang “Field Day ng Palayamanan: Scaling of Integrated Farming System in Rice-Based in Region 02 sa Mabini, Gamu, Isabela, noong Ika-8 ng Oktubre 2025.
Ang Palayamanan ay isa sa apat na bahagi ng DA-National Rice Program Project na Scaling of Rice Technologies kabilang ang Heirloom Rice Production, System of Rice Intensification (SRI) at Agro- ecology Based Rice Farming (AbRF). Ibinaba ang implementasyon nito sa DA Regional Field Offices at hinahangaan ko po kayo sa DA-Isabela Experiment Station sa matagumpay at maagap na implementasyon ng proyektong ito”, ani ni Director Joy Bartolome ng Philippine Rice Research Institute (Philrice) Isabela.
Hango sa konsepto ng PhilRice, ang “Palayamanan” ay nagmula sa lokal na terminong “palayan” at “kayamanan” na naglalayong palaguin ang ani at kita ng mga magsasaka. Tumutukoy ito sa pagbabago mula sa tradisyonal na monocropping ng palay patungo sa pinag-ugnay na sistema ng pagsasaka. Nakatuon din ito sa pangmatagalang teknolohiya, katatagan ng mga magsasaka at sistema ng pinagsama-samang pagsasaka.
Interbensyon at Resulta
Rice + Duck
Ayon sa datos na naipresinta, palay ang pangunahing pananim sa proyektong ito na may lawak na 0.7 na ektarya. Bagaman hindi nakuha ang potensiyal na ani dahil sa panalasa ng bagyo, nakapagtala pa rin ito ng produksyon na 4.46 MT/ektarya, kabuuang gastos na Php38,442, kabuuang kita na Php1,369.20 pesos at may Return on Investment (ROI) na 3.56%.
Kabilang din sa interbension ng proyektong ito ay ang pag-aalaga ng 50 piraso na pato na may kabuuang gastos na Php305.00 at ROI 55.73% kada pato.
Sheep at Vermicomposting
Ang pagpapataba ng sampung (10) tupa sa loob ng 75-90 na araw na may murang pabahay ay may kabuuang gastos na Php11,200 kada tupa at Php120.55% na ROI.
Upang mas kapakipakinabang at mas madaling mabulok ang mga materyales kagaya ng dayami, mga tira-tirang gulay at iba pang “farm waste”, ay naproseso at ginawang organikong pataba o (vermicompost). Nakapagtala ito ng Php11,000 na gastos at ROI na 317.88%.
Corn Silage
Ang pinaka-angkop na gulang ng mais sa paggawa ng burong damo ay nasa 75-85 gulang mula pagkatanim (soft dough stage). Ito ay maaring makaani ng 30-40 MT ng binurong damom dahil mas mababa ang moisture content o halumigmig nito. Nakapagtala ito ng kabuuang gastos na Php104,656.82 at 106.39% na ROI kada cycle.
Broiler Production
Ang pag-aalaga ng 360 piraso ng pangkarneng manok sa loob ng 35-40 araw ay may kabuuang gastos na Php21,059.70, kita na Php25,740 at ROI na 128.57%.
Vegetable Production
Ang pagtanim ng mga gulay katulad ng kalabasa, ampalaya, kamatis, sili, talong patola, sitao at upo ay nakapagtala ng ani na 19,926.10kg, Php96,754 na gastos, kabuuang kita na Php250,142.50 at Return on ROI na 258.53% sa isang ektarya.
Simbiyotikong Ugnayan at Implikasyon sa Agrikultura
Base sa simbiyotikong ugnayan ng bawat interbensyon sa palayamanan, naipamalas sa proyektong ito ang tinatawag na “closed loop” o “circular economy” sa sakahan. Isa itong “farming practice” na kung saan ang lahat ng recycled nutrients at organikong pataba mula sa dumi ng hayop, dayami, at iba pang “farm wastes” ay naibabalik din sa bukid.
Mahalaga ang implikasyon nito sa sektor ng agrikultura sapagkat pinayayabong ang lupang sakahan upang maganda ang paglago ng mga halaman at makamit ang potensyal na ani at kita ng mga magsasaka. Dagdag pa dito, nabawasan ang gastos at pagkadipende sa mga kemikal na pataba at nasulit ang bawat sulok ng sakahan.
Nakatulong din ang palayamanan sa katatagan ng mga magsasaka sapagkat ipinapakita dito ang pag-iwas sa pagkalugi at pagtiyak ng tuloy-tuloy na kita at pagkukunan ng pangkabuhayan sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga gulay at mga prutas at pag-aalaga ng mga hayop at isda. Ganun din ang paglalagay ng mga solar panel na pinagmumulan ng kuryente at irigasyon na nakakabawas din sa gastos.
Mensahe at Suporta
Iginiit at siniguro nila Dr. Jacqueline Z. Gumiran, Manager ng DA-IES, na ang lahat ng interbensyon sa palayamanan ay may simbiyotikong ugnayan ng bawat isa upang mapataas ang ani at magkaroon ng tuloy-tuloy na pagkakakitaan ang mga benepisaryo ng proyekto.
Binigyang diin niya ang simbiyotikong ugnayan ng palay at pato na kung saan ang dumi ng mga pato ay nagsisilbing pataba sa mga palay at ang mga mapanirang insekto sa palayan ay nagsisilbing pagkain ng mga pato.
Ipinahayag ni Director Joy Bartolome Duldulao ng PhilRice Isabela ang kanyang pasasalamat sa DA RFO 02–IES at “Baro A Langa Ti Mannalon Cooperative (BALMACO)” sa pagyakap sa naturang proyekto.
Hinikayat din ni Dr. Duldulao na dumalo ang mga taga BALMACO sa susunod na pagdaos ng field day ng Philrice upang mas lalo pa nilang matutunan ang konsepto ng palayamanan at iba pang proyektong may kaugnayan sa pagpapalay.
Samantala, iginiit ni Ginoong Reymel B. Linda, Chairman ng BALMACO at FCA Manager ang taos puso nilang pasasalamat sa lahat ng tulong na ibinigay ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Rehiyon Dos sa kanilang kooperatiba. “Hindi lamang tumaas ang aming ani at kita kundi patuloy na nadadagdagan ang aming kaalaman sa pagsasaka at natuto pa kaming pagyamanin ang bawat sulok ng aming sakahan sa pamamagitan ng integrated at diversified farming,”ani niya.
Nabanggit din niya ang pag-adopt ng mga magsasaka ng Barangay Pintor sa palayamana at siniguro nya ang patuloy na paghikayat sa iba pang magsasaka sa karatig na Barangay upang mas marami pang makinabang sa nasabing palayamanan.
Dumalo din sa pagtitipon sina Ginoong Exequiel C. Tabin, MA ng Gamu, Ms. Francis Marie N. Daquioag ng BFAR, at iba pang Kawani mula sa DA-CVRC at PLGU Isabela.
By: Catherine S. Jimenez
