Mahigit 4,000 rehistradong magsasaka at pamilya sa Batanes ang nakinabang sa iba’t ibang tulong mula sa pamahalaan sa pangunguna ni Kalihim Francisco Tiu Laurel Jr. noong ika-9 ng Oktubre, 2025 sa Basco, Batanes.

Kabilang sa mga ipinamahagi ang mga kagamitang pangsakahan at pangingisda sa mga farmers’ cooperatives at associations (FCAs) upang mapalakas ang produksyon sa lalawigan na itinuturing na geographically isolated, kung saan mahal at mahirap ang pag-angkat ng mga produkto, lalo na sa panahon ng kalamidad.

Binuksan din ni Secretary Laurel ang Benteng Bigas Project sa lahat ng sambayanan sa lalawigan upang tugunan ang mataas na presyo ng bigas na umaabot hanggang P70 kada kilo. Sa pamamagitan ng proyektong ito, mas mura na ang bigas sa Batanes kaya’t mas makakatipid ang mga mamimili at makakabili pa ng iba nilang pangangailangan.

Inilunsad din ang Integrated Laboratory Services sa DA-Batanes Experiment Station, na magbibigay ng mas mabilis at maaasahang serbisyo sa pagsusuri ng lupa, binhi, at iba pang pangangailangang teknikal ng mga magsasaka.

Kasabay nito, idineklara din ang Batanes bilang Organic Agriculture Practitioner Province sa bisa ng Administrative Order No. 14, s. 2025, bilang pagkilala sa kanilang patuloy na pagsusulong sa organikong pagsasaka.

Ang mga inisyatibong ito ay bahagi ng programa ng gobyerno sa ilalim ng Bagong Pilipinas, na naglalayong tiyakin na ang bawat mamamayan, saan mang dako ng bansa, ay may access sa sapat, ligtas, at abot-kayang pagkain.

 

Istorya: Barby Balcita