Sa temang “Act Now: You, Me, Community,” pinangunahan ng Department of Agriculture-Regional Field Office 02 (DA-RFO 02), sa pamamagitan ng Regulatory Division, ang Interagency Forum on Rabies Prevention, Control, and Awareness Program in Region 02 na ginanap noong ika-30 ng Setyembre, 2025 sa DA-Cagayan Valley Research Center (DA-CVRC), San Felipe, City of Ilagan, Isabela.
Dumalo sa pagtitipon ang mga kinatawan mula sa DA, Department of Health (DOH), Bureau of Animal Industry (BAI), Agricultural Training Institute (ATI), Department of the Interior and Local Government (DILG), mga lokal na pamahalaan, at iba pang katuwang na ahensya upang pagtibayin ang sama-samang aksyon laban sa rabies tungo sa layuning Rabies-Free Philippines by 2030.
Kabilang sa mga tinalakay ang mga update hinggil sa pambansa at panrehiyong programa kontra rabies, mga polisiya at batas para sa kalusugan ng hayop, accomplishment ng bawat lalawigan, at pagsusuri ng Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory (RADDL) hinggil sa mga kaso ng rabies sa rehiyon. Itinampok din ang pagpapatupad ng mass vaccination para sa mga aso at pusa at ang papel ng mga LGU sa pagpapatibay ng lokal na ordinansa.
Bilang pagkilala, iginawad ng DA-RFO 02 ang parangal sa mga lokal na pamahalaan na nagpamalas ng pinakamahuhusay na inisyatiba sa rabies vaccination coverage, stray dog impounding, at community-led rabies control programs.
Sa mensahe ni DA RFO 02 Regional Technical Director for Research and Regulations, Kay Olivas bilang kinatawan ni Regional Executive Director Rose Mary Aquino, binigyang-diin niya na ang laban kontra rabies ay hindi lamang tungkulin ng pamahalaan kundi responsibilidad ng bawat isa sa komunidad.
Aniya, ang pagsugpo sa rabies ay katuwang ng mas malawak na layunin ng administrasyong Marcos Jr. tungo sa Bagong Pilipinas na isang mas ligtas, malusog, at maunlad na bansa para sa lahat.
