Sa hangaring tulungan ang mga magsasakang nasalanta ng bagyong Nando sa Cagayan, personal na bumisita si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kasama si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., upang mamahagi ng mga farm inputs at cash assistance sa pamamagitan ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02) sa Gonzaga People’s Gymnasium noong Sabado, September 27, 2025.
Tumanggap ang munisipalidad ng Gonzaga ng mga iba’t ibang agricultural inputs na nagkakahalaga ng mahigit P10M. Kabilang sa mga ito ang rice, corn, at vegetable seeds; fertilizers; at relief goods. Samantala, umabot sa mahigit P28M ang ipinamahagi sa mga bayan ng Aparri, Buguey, Calayan, Camalaniugan, Lallo, Sta. Ana, at Sta. Teresita sa pamamagitan ng mga representatives ng mga kwalipikadong Farmer Cooperatives at Associations.
Dumalo ang 504 na magsasaka mula Buguey, Gonzaga, Sta. Ana, at Sta. Teresita upang tanggapin ang kanilang benepisyo mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund – Rice Farmers Financial Assistance (RCEF- RFFA) sa ilalim ng Rice Tariffication Law for Farmers. Ito ay para sa magsasaka na mga lupang sinasaka na 2 ektarya at pababa. Umabot sa mahigit P3.5M ang naipamahagi sa ilalim ng RCEF-RFFA.
Sa kaniyang mensahe, ibinahagi ng Pangulo ang mga plano ng pamahalaan para gawing mas mekanisado ang sector ng agrikultura sa Cagayan. Plano niyang magtayo ng Rice Processing Center para matulungan ang mga magsasaka na mas mapabilis ang pagproseso ng kanilang mga ani at mabawasan ang kanilang gastos. Inanunsyo rin ng Pangulo na higit ₱39 bilyon ang ilalaan ng pamahalaan para palakasin ang sektor ng agrikultura, at ₱38.9 milyon naman ang direktang tulong para sa ating mga magsasaka.
Inaasahan namang malaki ang maitutulong ng mga ipinamahaging interbensiyon upang makabawi ang mga magsasaka sa kanilang kabuhayan pagkatapos ng nagdaang kalamidad.
Istorya: Jackilou T. Tumaliuan
Litrato: Neville Jay L. Ramirez, Erwin C. Cachero
