Pinaalalahanan ni DA Regional Executive Director Dr. Rose Mary G. Aquino ang mga Farmers’ Cooperative and Associations (FCAs) na nagsasamantala sa mga magsasakang miyembro nito na naniningil ng mas mataas na service fee sa paggamit ng pansakahang makinarya na ipinagkaloob ng ahensya.

Sa programang Director’s Hour kanina sa DZDA 105.3 FM Radyo Pangkaunlaran, ayon kay RED Aquino, dapat sumunod ang grupo ng mga magsasaka na naging benepisyaryo ng mga makinarya tulad ng harvester-threshers mula sa Kagawaran, alinsunod sa napagkasunduang probisyon na maningil lamang sa mas mababang halaga. Dagdag pa nito, maaari ring serbisyuhan ang hindi kasapi ng kanilang grupo upang lalo pang mapakinabangan ang naibigay sa kanilang proyekto.

Kung sakaling mapatunayan ng tanggapan na hindi sumusunod ang mga ito sa napagkasunduan, ipapatawag ang mga ito, at maaaring madiskwalipika sa pagtanggap ng mga proyektong makinarya ng Kagawaran.

Sa kabilang dako, ibinahagi rin ng direktor ang naging usapin sa katatapos na budget hearing sa Kongreso at preliminary budget dialogue kasama si Senator Francis “Kiko” Pangilinan, chair of the Senate Committee on Agriculture, kamakailan. Ayon sa kanya, bibigyan ng pansin ang pagkakaroon ng marami pang post-harvest technology sa mga sakahan na nakalinya sa supply chain segment na nagpapahirap sa mga magsasaka sa panahon ng anihan.

Kaya naman, pagtutuunan na rin ng pansin ng opisina na sa susunod na taon ay mas palalawigin pa ang post-harvest technology upang hindi na mahirapan ang bawat magsasaka sa pagpapatuyo, pag-iimbak at iba pang karaniwang ginagawa sa kanilang mga naani.

Hinimok naman ni RED Aquino ang mga lokal na pamahalaan sa buong rehiyon na makipagtulungan ang mga ito sa tinatahak na direksyon ng ahensya upang maiayos ng tama at angkop na pag-iimplementa ng teknolohiyang ito sa kanilang mga lugar.

 

Istorya: Julian Florague