Pinarangalan bilang isa sa mga Natatanging Rice Clusters sa Pilipinas ang Cabuluan Multi-Purpose Cooperative (MPC) ng Alcala, Cagayan sa ginanap na Barrio Fiesta-themed awarding ceremony noong Setyembre 18, 2025 sa Quest Hotel, Clark, Pampanga.
Sa ilalim ng Small Water Irrigation System Association (SWISA) Category, tumanggap ang Cabuluan MPC ng P1.5 milyong premyo na iginawad nina Department of Agriculture (DA) Undersecretary for Rice Industry Development Engr. Christopher Morales, National Irrigation Administration (NIA) Administrator Engr. Eduardo Guillen at Bureau of Soils and Water Management (BSWM) Director Dr. Gina Nilo bilang pagkilala sa kanilang kahusayan at kontribusyon sa pagpapaunlad ng produksyon ng palay.
Dumalo sa seremonya sina DA Region 02 Regional Technical Director for Operations and Extension Dr. Roberto Busania bilang kinatawan ni Regional Executive Director Dr. Rose Mary Aquino, Dr. Marvin Luis, OIC-Chief ng Field Operations Division, Alcala Municipal Agriculturist Vincent Espejo bilang kinatawan ni Municipal Mayor Cristina Antonio, at mga opisyal ng Cabuluan MPC.
Ang parangal na ito ay nagpapakita ng patuloy na suporta ng DA at mga kaakibat na ahensiya katuwang ang mga lokal na pamahalaan upang maisulong ang mas matatag at produktibong sektor ng agrikultura, alinsunod sa layunin ng Bagong Pilipinas na itaas ang antas ng pamumuhay ng mga magsasaka at palakasin ang seguridad sa pagkain ng bansa.
