Muli na namang ipinagmalaki ng Department of Agriculture Regional Field Office 02 ang rehiyon sa pambansang entablado matapos kilalanin ang Team “TalaSaka” bilang National Pag-Asa Awardee sa prestihiyosong Gawad Lingkod Bayani ng Civil Service Commission Honor Awards Program. Ito ang nagbigay sa ahensya ng ikatlong sunod-sunod na panalo mula 2023 hanggang 2025 – unang dalawang taon bilang indibidwal na parangal at ngayong taon naman ay bilang grupo sa Pag-asa Award Category.
Ang Gawad Pag-Asa Award ay taunang parangal na nagbibigay-pugay sa mga natatanging lingkod-bayan at mga grupo na nagpapakita ng kahanga-hangang malasakit, inisyatiba, at dedikasyon sa serbisyo publiko.
Ngayong taon, kabilang sa mga pinarangalan ang Team TalaSaka, isang grupo ng mga eksperto mula sa iba’t ibang larangan. Binubuo ito nina Ms. Bernadette T. Galoso, Project Evaluation Officer V; Mr. Jonazon Jeff T. Factora, Planning Officer III; Mr. Bryan Jaquine J. Rasalan, Information System Analyst II; at Ms. Cristelle Joy B. Datul, Information System Analyst I—mga lingkod-bayan na nagtaguyod ng makabagong pamamahala sa agrikultura. Sila ang nakatakdang tumanggap ng pambansang parangal sa Malacañang, na personal na pangungunahan ni Pangulong Ferdinandand R. Marcos Jr.
Ang kanilang kolektibong husay ay naghatid ng pagbabago sa sektor sa pamamagitan ng paggamit ng digital technologies, mga estratehiya para sa climate resilience, at mga programang nakatuon sa pag-angat ng kabuhayan ng mga magsasaka. Kasabay nito, isinulong nila ang mas pinabilis na mga proseso, binawasan ang burukrasya at red tape, at isinakatuparan ang automation ng ilang sistema bilang suporta sa Ease of Doing Business Act.
Kabilang sa kanilang mga natamo ang matagumpay na pagpapatala ng higit 678,000 magsasaka sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at paggamit ng RSBSA LGU App ng 86 munisipyo na nagpadali sa pagbibigay ng suporta. Dagdag pa rito, 720 Farmer Cooperatives and Associations (FCAs) ang naakreditahan bilang Civil Society Organizations.
Nagsanay rin sila ng apat na probinsya sa Climate Risk Vulnerability Assessments (CRVA) upang mabawasan ang pinsala mula sa mga kalamidad. Sa aspeto ng pamumuhunan, kanilang nagabayan ang mga programa ng DA tungo sa mas episyenteng paggamit ng pondo, na nagbunga ng malalaking proyekto para sa irigasyon, mekanisasyon, at iba pang pagsasanay para sa mga magsasaka.
Bukod dito, nanguna rin sila sa paggamit ng Power BI at GIS-based analytics at nakabuo ng Regional Information Network na ngayon ay nagsisilbing modelo para sa ibang rehiyon sa bansa. Kinilala rin ang DA-RFO 02 bilang Outstanding Region in Monitoring and Evaluation ng DA-Central Office.
Kasabay ng layunin ng Department of Agriculture na ipagpatuloy at higit pang suportahan ang mga inisyatibong tulad ng TalaSaka, nakaugat din ang tagumpay na ito sa pamumuno ni Regional Executive Director Rosemary G. Aquino, na matatandaang ginawaran din ng Gawad Lingkod Bayan noong 2017. Ang kanyang patuloy na inisyatiba at dedikasyon ang nagsilbing matibay na pundasyon para sa pagkilala sa mga sumunod na awardees ng rehiyon.
Sa kabuuan, ang pagkilala ng grupo ay hindi lamang karangalan, kundi nagsisilbing inspirasyon sa mga lingkod-bayan na nagsusulong ng isang masaganang agrikultura at maunlad na ekonomiya sa sambayanang Pilipino.
Istorya: Aza-zel Erro
Litrato: Erwin Cachero
