Nagbuklod ang mga City at Municipal Agriculturists ng Rehiyon dos sa isinagawang Regional Consultative Meeting noong ika-lima ng Setyembre 2025 sa DA-Southern Cagayan Research Center (DA-SCRC), Minanga Norte, Iguig, Cagayan upang talakayin ang iba’t ibang programa, isyu, at estratehiya para sa pagpapaunlad ng agrikultura sa rehiyon.
Sa pangunguna ng DA Rehiyon dos, binigyang-diin ni Regional Executive Director Rose Mary G. Aquino ang kahalagahan ng maagap na koordinasyon sa ilalim ng Bagong Pilipinas at hinikayat ang mga City at Municipal Agriculturists na aktibong itaguyod ang mga adbokasiya ng DA, lalo na sa social media bilang isang makapangyarihang pamamaraan sa pagpapakalat ng impormasyon.
Ipinresenta rin ni RED Aquino ang FCA Farm Card, isang card na ibibigay sa mga magsasaka bilang batayan ng mga interbensyong natatanggap mula sa DA. Hiningi rin niya ang suporta ng mga lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng inobasyon, partikular sa paggamit ng liquid fertilizer. Batay sa pananaliksik ng mga ibat-ibang research stations ng DA RFO 02, napatunayan na ang liquid fertilizer ay epektibo at nakapagtala ng makabuluhang resulta bilang dagdag sa paggamit ng inorganic granular fertilizer. Ito ay itinuturing na alternatibong solusyon upang tugunan ang kakulangan ng supply ng granular fertilizer mula sa ibang bansa.
Tinalakay rin ni Dr. Marvin Luis, OIC-Chief ng DA RFO 02 Field Operations Division ang paggamit ng thematic map ng Region 02 bilang batayan sa alokasyon ng DA RFO 02 interventions, upang mas matiyak ang angkop at pantay na pamamahagi ng tulong sa mga magsasaka.
Sa naturang aktibidad, 39 units ng 3-in-1 computer set na may kasamang printer at GPS ang ipinamahagi sa mga City/Municipal Agriculturists para sa paggamit at pagpapatakbo sa RSBSAPP-LGU. Ang iba pang LGU ay makatatanggap din ng kagamitan matapos makumpleto ang kanilang requirements.
Bilang isa sa mga ways forward, ipinahayag ang pagsasagawa ng quarterly Regional City/Municipal Agriculturists Meeting para sa mas matibay na ugnayan ng DA at mga partner LGUs at mabilisang aksyon sa mga isyu ng agrikultura.
