Kasabay ng 5-day Roadmap Workshop ng National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP) kung saan bumuo ng isang comprehensive roadmap na naglalahad ng mga pangunahing programa, proyekto, at gawain para sa 2026–2030, matagumpay ding naisagawa ang isang Benchmarking Activity na pinangunahan ng Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA RFO 02) sa pamamagitan ng NUPAP noong September 4, 2025.
Lumahok sa naturang aktibidad sina Dr. Herminigilda A. Gabertan – Assistant Director for Research, Development, and Production Support Services sa ngalan ni Dir. Glenn Panganiban ng Bureau of Plant Industry (BPI), NUPAP Operating Units Focals/ Alternate Focal Persons/Report Officers, NUPAP Program Management Office Staff, PCAF, DA-BAR, BPI, MED, ATI, LGUs per Region, State Universities and Colleges, Non-Government Organizations (NGOs), Civil Society Organizations (CSOs)/ Social Enterprises/ Private Organizations, at National Government Agencies (NGAs) – MMDA, DSWD.
Binisita ng grupo ang Edible Garden of Tuguegarao City sa CLGU Tuguegarao City. Pinuri nila ang magandang inisyatibang ito ng lokal na pamahalaan dahil malaki ang naitulong ng urban graden sa pagsuplay ng pagkain sa mga relief operations na isinagawa sa lungsod. Sinisimbolo rin nito ang iisang hangarin ng ahensiya at pamahalaan na magkaroon ng food sufficiency sa mga komunidad.
Dagdag pa rito, pinuntahan din nila ang Isabela Experiment Station (IES) NUPAP site sa Gamu, Isabela kung saan matatagpuan ang Poultry house, Greenhouse with Hydroponics at Mushroom house. Ipinakita rin ang paggawa ng corn silage, paggawa ng organikong pataba sa pamamagitan ng vermicomposting technology, at pag-aalaga ng Muscovy ducks.
Kasama rin sa binisita ang Protective Cultivation Projects ng NUPAP sa LGU Quezon kung saan natikman ng mga kalahok ang Fujisawa melon ice cream at ang mushroom noodle pancit.
Nabigyan din sila ng pagkakataong bumili ng mga Ybanag Food Products sa Lighthouse Cooperatives.
Naging daan ang benchmarking activity na ito upang matutunan ang mga best practices ng mga ahensiya at pamahalaan upang mas mapaigting pa ang food sufficiency sa ating bansa alinsunod sa kagustuhan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. at ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na palakasin ang food security sa ating bansa tungo sa isang mas masagana at maunlad na ekonomiya.
Istorya: Jackilou Tumaliuan
