Personal na Bumisita sa Region 2 para sa Inspeksyon at Validation ng mga Itatayong Provincial Food Hub at Cold Storage Facility
Personal na binisita ni Department of Agriculture Assistant Secretary for Logistics Daniel Atayde kasama si DA Region 02 Regional Executive Director Rose Mary G. Aquino ang bayan ng Buguey at Abulug sa lalawigan ng Cagayan, gayundin ang lungsod ng Cauayan sa Isabela, upang magsagawa ng inspeksyon at validation sa mga lokasyong napiling paglagyan ng mga planong itatayong Provincial Food Hub at Cold Storage Facility sa bawat probinsiya ng Rehiyon 2, nito lamang September 3-4, 2025.
Ang nasabing proyekto ay bahagi ng mga inisyatibo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na tiyakin ang maayos at tamang imbakan ng ani ng mga magsasaka at mangingisda, mapanatili ang kalidad ng mga produkto, at mapalawak ang kanilang access sa mas malalawak na pamilihan, sa lokal man o internasyonal.
Sa kanyang pagbisita, nakipagpulong si ASEC Atayde kay Buguey Municipal Mayor Licerio Antiporda III , OIC-Municipal Agriculturist Officer ng Abulug na si Ms. May Joan Jocelyn T. Lee at ilang kinatawan ng samahan ng mga mangingisdang at magsasaka ng nasabing bayan.
Sa bayan ng Abulug, Cagayan, nakapulong ni Asec. Atayde si Mr. Bernard Ojano, Municipal Agriculturist kasama ang iba pang kawani mula sa Municipal Agriculture Office.
Sa ikalawang araw ng site validation, September 4, sa Cauayan City, Isabela, nakapulong nina Asec. Atayde at RED Aquino si Mayor Caesar Dy Jr., Engr. Ricardo Alonzo, City Agriculturist kasama ang iba pang kawani mula sa City Agriculture Office at City Councilors.
Iprinisenta ni Asec. Atayde ang modernong plano para sa pagtatayo ng mga pasilidad, kasabay ng konsultasyon upang matiyak na ang lokasyon, disenyo, at kakayahan ng mga itatayong pasilidad ay angkop sa pangangailangan ng bawat komunidad.
“Inaasahan nating na sa pamamagitan ng mga cold storage at food hub na ito ay mabibigyan natin ng konkretong suporta ang ating mga magsasaka at mangingisda sa Region 2. Hindi lang ito pasilidad, kundi tulay sa mas mataas na kita at mas maayos na distribusyon ng pagkain sa bansa,” ani Atayde.
Ang proyekto ay isa sa mga konkretong hakbang ng pamahalaan upang palakasin ang food value chain at tiyakin ang food security ng bansa, lalo na sa mga rehiyong may mataas na potensyal sa produksyon ng agrikultura at pangisdaan. Samantala, malaki ang magiging ambag ng proyektong ito sa pagtaas ng kanilang kita sa pamamagitan ng pagbawas ng post-harvest losses, pagtransport ng mga produkto sa ibang lugar at pag-aalok ng mas mainam na access sa merkado.
Ang mga proyekto ay nakatakdang ipatupad sa 2026 at 2027 bilang bahagi ng tuloy-tuloy na modernisasyon sa sektor ng agrikultura ng bansa.
Istorya: Jovyjane Ganat
Litrato: Lleyton Concepcion at Joeriece De Leon
