Bilang tugon sa layunin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palakasin ang seguridad ng pagkain sa bansa, matagumpay na isinagawa ang sabayang paglulunsad ng programang “Gulayan sa Bayan” (GSB) sa 89 na bayan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Batanes, at Quirino sa Rehiyon Dos noong Agosto 22, 2025.

 

Alinsunod sa Memorandum Circular No. 16, Series of 2025 na naglalayong pagandahin ang food access at isulong ang sustenableng food systems sa pamamagitan ng pagtatayo ng community nurseries at gardens, pinangunahan ng Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA RFO 02) sa pamamagitan ng High Value Crop Development Program (HVCDP) ang paglulunsad ng naturang aktibidad katuwang ang mga lokal na pamahalaan.

Samantala, una nang namahagi ang kagawaran ng mga agricultural inputs na nagkakahalaga ng Php100,000.00 bawat bayan na may kabuuang halaga na Php 8.9M noong Hulyo 30.

Ang GSB na inisyatiba ni Under Secretary for High Value Crops Development Program Cherryl Natividad-Caballero ay nagtataguyod ng mga inobasyon sa value chain ng gulay. Layunin din ng GSB na mapalawak ang lokal na produksyon ng pagkain, matiyak ang pagkakaroon ng masustansya at sapat na pagkain sa bawat hapag-kainan ng pamilyang Pilipino alinsunod sa istratehiya ni Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr.

Samantala, nagpahayag naman ng suporta ang bawat municipal Mayor na dumalo sa aktibidad sa kani-kanilang bayan. Binigyang-diin nila na malaking tulong ang proyektong GSB upang mapalakas ang food security sa komunidad at magkaroon ng karagdagang kabuhayan para sa mga residente.

“Gulayan sa bayan, hindi lang sa barangay ‘yan. Sinasabi nilang scalable so titignan natin kung mapapalago niyo and then i-scale up natin. Tignan natin kung pwede nating i-scale up sa ibang barangay. So, kung anong good practices na magagawa niyo dito ay gagawin din sa iba,” saad ni Atty. Joel Amos Alejandro, Mayor ng Alicia, Isabela.

“Pwedeng sumuporta rin sa mga needs niyo at feeding program, at tsaka for marketing. Kahit paano ay nakatulong ba kayo sa mga members niyo na mga indigent. Nakasuporta ba kayo? At the same time may kinita ba? May na-imarket ba tayo? So, tignan niyo yung mga members niyo,” dagdag ni Mayor Alejandro.

Dagdag pa rito, nagpahayag naman si Timpuyog Pilipinas National Chairman GT Lantion ng suporta para sa mga pagsisikap ng pamahalaan na palakasin ang lokal na produksiyon ng pagkain at itaguyod ang napapanatiling agrikultura sa mga rural communities. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa, pakikilahok ng komunidad, at inobasyon sa pagkamit ng pambansang seguridad sa pagkain.

Ayon naman kay Mayor Remelina Pero-Galam ng Aritao, Nueva Vizcaya ay isang makasaysayang hakbang ang paglulunsad ng GSB tungo sa isang mas malusog, mas matatag, at mas nagkakaisang bayan.

“Sa launching ng Gulayan sa Barangay [Bayan], hindi lang tayo magtatanim ng buto sa lupa kundi magtatanim din tayo ng pag-asa, tibay ng loob para tumayo sa ating sariling paa sa puso ng bawat pamilyang Pilipino at sa puso ng bawat Ariteños. Ang gulayang ito ay higit pa sa pagkain. Isa po itong simbolo ng bayanihan. Ang diwa ng pagtutulungan para sa ikabubuti ng lahat,” saad ni Mayor Galam.

Dumalo rin sa launching ng GSB sa bayan ng Aritao si Dr. Claris M. Alaska, ATI-OIC, Center Director at nagpahayag ng kaniyang suporta.

Inaasahan namang ang inisyatibang ito ay susuporta sa katatagan ng mga komunidad sa bansa. Isa rin itong mahalagang hakbang tungo sa mas matatag at masaganang sektor ng agrikultura sa Cagayan Valley tungo sa masaganang bagong Pilipinas.

 

Istorya: Jackilou Tumaliuan at Jovyjane Ganat

Mga litrato: RAFIS/HVCDP