Naideliver na ng Department of Agriculture – Regional Field Office 02 (DA-RFO 02) ang kabuuang 2,950 sako ng inorganic fertilizers na nagkakahalaga ng mahigit ₱4.72 milyon sa Lokal na Pamahalaan ng Naguilian para sa mga benepisyaryong magsasaka sa ilalim ng Rice Program na ginanap nitong ika-29 ng Agosto, 2025 sa barangay Roxas Community Center, Naguilian, Isabela.

Sa naturang alokasyon, nasa 674 sako na may katumbas na ₱1,078,400 ang nakuha na ng mga magsasaka. Samantala, 1,606 sako (₱2,569,600) ang nakaposisyon at nakahanda na sa mga community centers ng mga barangay para sa distribusyon at 670 sako (₱1,072,000) naman ang hawak pa ng LGU para sa susunod na pamamahagi.

Dumalo sa aktibidad si Mayor Edgar Capuchino, kasama si Municipal Agriculturist Engr. Josephine Lobo, at iba pang opisyal ng LGU at kinatawan ng DA RFO 02 upang personal na iabot ang ayuda at iparating ang mensahe ng pagsuporta sa mga magsasaka.

Ayon kay Mayor Capuchino, “Malaking tulong itong mga pataba na ibinigay ng DA para sa ating mga magsasaka. Alam natin na mataas ang gastos sa produksyon, kaya malaking pakinabang ito para sa kanila.”

Dagdag pa niya, sa kabila ng mababang presyo ng palay na kanilang kinakaharap, nananatiling matatag at positibo ang mga magsasaka dahil may mga programa ang gobyerno na tunay na nakakatulong sa kanilang kabuhayan.

Sa pamamagitan ng programang ito, ipinapakita ng DA-RFO 02, mga kaakibat na ahensiya at mga partner LGUs ang kanilang konkretong suporta upang mapalakas ang produksyon ng palay at maibsan ang pasanin ng mga magsasaka sa gastos sa bukid.

Istorya: Barby Balcita

Litrato: Neville-Jay Ramirez