Tuguegarao City, Cagayan — Umarangkada ang KADIWA ng Pangulo sa pangunguna ng Philippine Postal Corporation (PhilPost) Tuguegarao Branch, katuwang ang Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02) sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), noong Hunyo 3, 2025 sa Barangay San Gabriel, Bagay Road, Tuguegarao City.

Sa unang araw ng aktibidad, tampok ang limang Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs) at isang Young Farmers Challenge (YFC) awardee mula sa Cagayan Valley sa pagbebenta ng kanilang mga produktong agrikultura. Umabot sa ₱51,270 ang kabuuang halaga ng benta mula sa mga produktong gaya ng gulay, prutas, itlog, bigas, products ng YFC awardees at iba pang pangunahing produktong agrikultura.

Kabilang sa mga nakilahok na kooperatiba ay ang Pentur Farmers Cooperative, Aritao Trading Post, Aritao Irrigators Cooperative, Paddaya Women’s Association, at Mount Cagua Agrarian Reform Cooperative. Lumahok din ang YFC 2024 Upscale Awardee na si Chester Turingan, may ari ng Chaptu Farm.

Bilang hakbang para mapalakas ang pagpapatupad ng KADIWA ng Pangulo, nilagdaan ng Department of Agriculture (DA) at Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang isang Memorandum of Understanding (MOU) noong Abril 14, 2025 upang palakasin ang pagpapatupad ng KADIWA ng Pangulo. Sa ilalim ng kasunduan, maglalaan ang PhilPost ng espasyo at kagamitan sa mga post office para sa direktang pagbebenta ng mga produktong agri-fishery, habang magbibigay ang DA ng teknikal at lohistikal na suporta at titiyak sa food safety.

Layon nitong gawing alternatibong pamilihan ang mga piling post office upang mapalakas ang ugnayan ng mga magsasaka at mamimili na kung saan nakikinabang hindi lamang ang mga agricultural producers kundi maging ang mga mamimili at tugunan ang mga suliranin gaya ng mababang presyo ng ani, kakulangan sa merkado, at mataas na gastos sa pagbebenta nang hindi naaantala ang normal na operasyon ng PhilPost.

Ang ugnayan ng PhilPost at DA ay isa sa mga inisyatibo ng DA na bahagi ng farm-to-consumer market chain ng pamahalaan para sa Masaganang Bagong Pilipinas, upang direktang makapagbenta ang mga magsasaka at agripreneurs, mapababa ang presyo ng bilihin, at mas mapalapit ang mga magsasaka sa kanilang pamilihan.

Storya at Litrato: Paul Buenavista at AMAD staff