Pinangunahan ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02) ang isang consultative meeting na ginanap noong ika-27 ng Agosto, 2025 kasama ang mga SeedNet at accredited seed growers upang ayusin at pagtibayin ang plano sa produksyon ng inbred certified seeds para sa 2025-2026 dry season at taong 2026. Layunin nitong tiyakin na may sapat at dekalidad na binhi para sa mga magsasaka, lalo na sa mga lugar na hirap sa produksyon tulad ng mga palayan na madalas tamaan ng baha, tagtuyot at upland conditions.
Naging daan ang pagpupulong upang magbahagi ng kaalaman, magbigay ng mga updates, at bumuo ng mga plano para tugunan ang mga hamong kinakaharap ng mga seed producers at mga magsasaka, bilang bahagi ng adhikain ng Bagong Pilipinas na tiyakin ang episyente, matatag, at produktibong agrikultura.
Samantala, ibinahagi ni Mr. Joselito Dela Cruz ng PhilRice Isabela ang 2025 Wet Season Production Statistics, na nagbigay ng pananaw sa naging takbo ng produksyon at posibleng ani ng rehiyon. Nagbigay naman si Engr. Jordin Tumabao ng Bureau of Plant Industry-National Seed Quality Control Services (BPI-NSQCS) ng update sa pagtatanim, pag-aani, at sertipikasyon, at binigyang-diin ang kahalagahan ng quality assurance.
Mula sa sektor ng mekanisasyon, tinalakay ni Engr. Jarell Oting ng PhilMech ang mga kondisyon at requirements para makakuha ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) projects, na naglalayong suportahan ang seed growers sa pamamagitan ng makinarya upang mas mapaunlad ang kanilang produksyon. Inilahad naman ni Engr. Maria Lourdes Mundoc, DA RFO 02 Regional Seed Inspector, ang Higher Seed Class Production Plan per Station na nagbibigay ng mga estratehiya para mapalawak ang produksyon ng registered at certified seeds sa rehiyon.
Nagpasalamat naman si Dr. Marvin Luis, OIC-Chief ng Field Operations Division ng DA RFO 02, sa lahat ng seed growers at mga katuwang na ahensiya na patuloy na tumutulong sa programa ng DA. Paalala niya, mahalaga ang kanilang papel sa pagbibigay ng magandang binhi para sa mga magsasaka. Hinihikayat din niya ang mga ito na ipagpatuloy ang paggamit ng tamang teknolohiya, panatilihin ang kalidad ng kanilang produkto, at makipagtulungan sa Kagawaran para sa ikauunlad ng industriya ng palay sa Region 02.
Sa pagtatapos ng pulong, napagkasunduan ang ilang hakbang kagaya ng tuloy-tuloy na capacity building para sa accreditation, pagpapahusay ng pasilidad sa seed processing at imbakan ng binhi, pagpapalakas ng seed reserves, at pagbibigay ng mga angkop na interbensyon para sa mga magsasaka sa adverse areas.
Ayon kay DA RFO 02 Regional Executive Director Dr. Rose Mary Aquino, ang mga hakbang na ito ay nakahanay sa layunin ng Bagong Pilipinas na maghatid ng mas maayos, mas produktibo, at mas maunlad na buhay para sa bawat Pilipino, lalo na sa sektor ng agrikultura.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan, muling pinagtibay ng DA RFO 02 at ng mga katuwang nito ang kanilang layuning iangat ang produksyon ng binhi at suportahan ang mga magsasaka upang matiyak ang sapat na suplay ng bigas sa buong rehiyon at sa buong bansa.
