PHILGAP PROMOTION SA REHIYON DOS, MAS PINALAKAS NG DA RFO 02
Pinaigting ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 2 (DA RFO 2) ang kampanya para sa pagpapataas ng kalidad ng mga produktong agrikultural sa lalawigan ng Cagayan, alinsunod sa adbokasiya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na isulong ang kalidad at kaligtasan ng pagkain sa bansa, sa isinagawang Good Agricultural Practices Information Caravan cum Awarding and Recognition of PhilGAP Certified Farms sa Lalawigan ng Cagayan,noong Agosto 22, 2025, na ginanap sa DA Southern Cagayan search Center, Minanga Norte, Iguig, Cagayan
Ito ay sa pamamagitan ng patuloy na implementasyon ng Philippine National Standards Code of Good Agricultural Practices (PhilGAP) sa rehiyon, kung saan dinaluhan ng mahigit 100 na miyembro mula sa labing-isang (11) Farmers Cooperative and Associations, tatlong (3) Individual Farmers, at LGU/ PLGU staffs mula sa dalawampu’t- isang (21) munisipalidad sa lalawigan.
Layunin ng aktibidad na magbigay kaalaman at hikayatin ang mga magsasaka na sumunod sa itinakdang pamantayan sa produksyon upang matiyak na ang mga ani sa lalawigan ng Cagayan ay ligtas kainin ng mga mamimili. Binigyang-diin rin ang kahalagahan ng pagiging isang responsableng tagapagprodyus, bilang hakbang tungo sa mas dekalidad na produkto, pagpapalawak ng merkado para sa mga lokal na produkto, at pag-iwas sa mga panganib sa kalusugan gaya ng kemikal at iba pang kontaminant.
Bilang bahagi ng mas malalim na talakayan, isinagawa ang open forum upang tugunan ang mga katanungan, isyu, at alalahanin ng mga magsasaka kaugnay ng programa ng PhilGAP certification.
Samantala, binigyang pagkilala rin ang mga nagmamay-ari ng PhilGAP Certified Farms at suporta ng mga P/MLGUs ng Cagayan dahil sa kanilang dedikasyon at matagumpay na pagtupad sa mga pamantayang itinakda ng PhilGAP, isang patunay ng kanilang napapanatiling produksyon sa agrikultura at responsableng pamamaraan ng pagsasaka.
Istorya: Castle Castillo
Larawan: Erika Sophia Fiesta
