Namahagi ng libreng binhi at pataba ng sibuyas ang Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA RFO 02) sa pamamagitan ng High Value Crop Development Program (HVCDP) sa 900 magsasaka ng sibuyas mula sa probinsiya ng Cagayan at Nueva Vizcaya na may kabuuang halaga na mahigit Php 18,000,000.00 sa CMP Convention Center, Capitol Compound, Bayombong, Nueva Vizcaya noong Agosto 19, 2025.
Tumanggap ang tatlong Farmers’ Cooperatives and Associations (FCA) mula sa Cagayan ng Red Pinoy onion at inorganic fertilizers na nagkakahalaga ng Php 855, 000.00. Samantala nasa Php 17, 583, 500.00 naman ang kabuuang halaga na ipinagkaloob sa anim na FCAs mula sa probinsiya ng Nueva Vizcaya.
Ayon kay Ms. Carol P. Albay, HVCDP and NUPAP Focal Person na hangarin ng Department of Agriculture na pataasin ang kita ng mga magsasaka.
“We are giving this package of technology because we want that all interventions given by our government were properly utilized and lessen the expenses of farm inputs for us also to have enough supply of food,” saad ni Ms. Albay.
Samantala, pinasalamatan naman ni Nueva Vizcaya Gov. Jose Gambito Jr. ang inisyatiba ng DA Region 02. Aniya, suportada ng kanilang lokal na pamahalaan ang lahat ng programa ng DA para sa mga magsasaka.
“Napakalaki ng tulong ang agriculture sector sa mabilis na pag-unlad ng probinsiya ng Nueva Vizcaya kaya naman sinisigurado namin na lahat ng interbensiyon at proyekto ay agad ma-implementa at ma-ibahagi sa inyo,” ani Governor Gambito.
Ibinahagi din niya ang magandang plano ng kanilang pamahalaan katuwang ang DA Region 02 upang mas matulungan ang kanilang mga magsasaka.
“Para sa tuloy-tuloy na progreso at mabilis na transportasyon ng mga produktong agrikultural ay tuloy-tuloy ang pagsasaayos ng mga daan papunta sa inyong mga sakahan katuwang ang programa ng DA Region 02 sa pamamagitan ng Philippine Rural Development Program,” dagdag niya.
Inaasahan namang makakatulong ang mga ipinagkaloob ng DA Region 02 sa pagpapalago ng onion industry sa probinsiya ng Nueva Vizcaya tungo sa masaganang bagong Pilipinas.
Isa itong magandang inisyatiba ng DA Region 02 sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura sa Cagayan upang sama-sama nating makamit ang isang masaganang agrikultura at maunlad na ekonomiya dito sa Rehiyon Dos.
Istorya: Jackilou Tumaliuan, Jovyjane Ganat
