Upang higit na mapabilis at mapabuti ang implementasyon ng iminungkahing subproject na “Mango Production, Consolidation, Trading, and Marketing Enterprise,” isinagawa ng Philippine Rural Development Project – Regional Project Coordination Office II, sa pangunguna ng I-REAP Component, katuwang ang iba’t ibang components at units, at sa tulong ng Project Support Office – North Luzon, ang isang Joint Technical Assistance (JTA) para sa Our Lady of La Salette Multi-Purpose Cooperative (OLLSMPC) noong Agosto 4–8, 2025, sa Mango Suites Hotel, Santiago City.

Layunin ng nasabing JTA ang masusing pagtalakay at pagsusuri sa mga dokumento, requirements, at iba pang technical na aspeto ng mungkahing subproject upang matiyak ang agarang pagsunod sa mga alituntunin ng PRDP. Isinagawa ang pagsusuri batay sa checklist of requirements ng PRDP upang gabayan ang Proponent Group (PG) sa kanilang compliance, at mapabilis ang proseso ng pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento para sa pag-apruba ng subproject.

Sa nasabing aktibidad, tinalakay ng mga kinatawan ng RPCO 2 at PSO-NL ang kasalukuyang estado ng compliance ng PG at nagbigay ng mga rekomendasyon upang matugunan ang anumang kakulangan sa dokumentasyon. Bahagi rin ng aktibidad ang mga presentasyon mula sa PG kaugnay ng proyekto, na sinuri at binigyan ng teknikal na puna ng mga iba’t ibang components at units.

Dumalo rin sa aktibidad si Deputy Project Director Kay S. Olivas, na nagbigay ng kanyang mensahe ng suporta sa kooperatiba at sa mga kawani ng PRDP. Ipinahayag niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng lahat ng stakeholders upang matiyak ang matagumpay na pagpapatupad ng proyekto. Nagpaabot din siya ng mga komento at suhestiyon sa mga presentasyong inilahad ng OLLSMPC, bilang bahagi ng patuloy na pagbibigay ng gabay at suporta mula sa pamunuan ng PRDP.

Ang matagumpay na pagsasagawa ng JTA ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagsasakatuparan ng proyektong magbibigay ng mas mataas na kita, mas malawak na oportunidad sa kabuhayan, at mas pinalakas na kooperasyon para sa mga miyembro ng OLLSMPC at sa mas malawak pang komunidad.