“Dapat adda iti napintas nga turungen tayo!” — Binigyang-diin ni Regional Executive Director Rose Mary G. Aquino na ang PhilGAP Certification ay isa lamang sa mga hakbang patungo sa pangmatagalang layunin ng ahensya para sa mga magsasaka at prodyuser ng saging.
Isinagawa ng Philippine Rural Development Project – Regional Project Coordination Office 02 (PRDP RPCO 02) IPLAN Component, katuwang ang Good Agricultural Practices (GAP) Unit ng Regulatory Division, ang isang technical briefing at workshop ukol sa Philippine National Standards (PNS): Code on Good Agricultural Practices (GAP) for Banana noong Hulyo 29–31, 2025, sa Highlanders Resort and Hotel, Solano, Nueva Vizcaya.
Layunin ng pagsasanay na palawakin ang saklaw ng PhilGAP Certification sa rehiyon at mapanatili ang kaligtasan, kalidad ng pagkain, at pamantayan sa agrikultura.
Kabilang sa mga na-orient ang mga miyembro ng Villaverde Banana Growers Multi-Purpose Cooperative at Sustainable Alliance for Integrated Farming Association (SAIFA) ng Villaverde, Nueva Vizcaya; at Bical-Baliuag Agrarian Beneficiaries Cooperative ng Peñablanca, Cagayan. Tinalakay ang mahahalagang paksa tulad ng Food Safety Act of 2013, PhilGAP Certification, Soil Sampling, Pest and Disease Management/Biocontrol Agents (BCAs), Proper Use, Safe Handling, and Disposal of Fertilizer and Pesticide, Proper Production and Post-Harvest Handling of Banana, at Regulatory Procedures on Quality Export.
Dagdag pa ni Direktor Aquino, “Nawa’y maging daan ang training upang ang mga kalahok ay maghangad ng mas mataas pang antas sa produksyon at mahikayat silang sumubok ng iba pang naprosesong produkto.”
Isa sa mga direktiba niya ay ang pag-organisa ng consultation meeting kasama ang AMAD, ILD, RCPC, PRDP IPLAN, at I-REAP Components upang pag-usapan ang posibleng paggamit at paggawa ng fermented liquid fertilizer mula sa saging.
Isinagawa rin ang workshop upang tulungan ang mga indibidwal na kalahok sa paghahanda ng mga dokumentaryong kinakailangan para sa PhilGAP Certification.
Ang mga naging tagapagtalakay ng mga paksa ay sina:
- Mr. Reden Mark T. Casem at Mr. Ernesto A. Reyes mula sa GAP Unit;
- Mr. Eric G. Mata ng Regional Soils Laboratory;
- Ms. Minda Flor M. Aquino mula sa Regional Crop Protection Center;
- Mr. Leonardo A. Bangad ng Fertilizer and Pesticide Authority;
- Ms. Mary Jane B. Ibarra mula sa DA-CVRC; at
- Ms. Janella Mae P. Buenavista mula sa Bureau of Plant Industry – Plant Quarantine Service (BPI-PQS).
Ang IPLAN Component ay magsasagawa rin ng karagdagang pagsasanay tungkol sa PhilGAP para sa iba pang high-value crops, partikular ang citrus, sa darating na Agosto 20–22, 2025, sa Santiago City.
Via Engr. Maria Aletha C. Agonoy, Planning Officer
