Halos kumpleto na ang mga lokal na pamahalaan sa Lambak ng Cagayan sa kanilang pagsasanay para sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture Profiling Platform for LGU (RSBSAPP-LGU), kung saan apat na probinsya-Isabela, Cagayan, Quirino, at Batanes ang nakapagtala na ng 100% completion matapos ilipat ng Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA RFO 02) ang responsibilidad ng pag-update sa mga lokal na pamahalaan noong Marso 2024.
Batay sa pinakahuling tala, 92 sa kabuuang 93 lungsod at bayan sa Region 02, katumbas ng 98.92%, ang matagumpay nang nakapagsanay sa RSBSAPP-LGU. Tanging ang bayan ng Bayombong, Nueva Vizcaya na lamang ang hindi pa nakapagsanay dahil hinihintay pa ang opisyal na paglagda ng kanilang Data Processing at Non-Disclosure Agreement.
Sa Isabela, naitala ang 100% na partisipasyon ng lahat ng 37 lungsod at bayan, kung saan may access na ang kani-kanilang LGUs upang i-update ang RSBSA ng kanilang mga nasasakupan mula pa noong Agosto 14, 2025. Samantala, nakumpleto na rin ng Cagayan ang kanilang pagsasanay noong Oktubre 16–17, 2024, ang Quirino noong Pebrero 11–13, 2025, at ang Batanes noong Marso 24–25, 2025.
Samantala, ang RSBSAPP-LGU ay tumutukoy sa makabagong digital system na nagbibigay-kapangyarihan sa mga lokal na pamahalaan at i-update ang datos ng mga magsasaka, farm workers, at mangingisda sa kanilang nasasakupan. Sa pamamagitan nito, maaaring magparehistro ng mga bagong benepisyaryo, baguhin o ayusin ang mga kasalukuyang impormasyon, at tiyaking tama at napapanahon ang datos.
Ang DA RFO 02 ang nanguna sa pagsulong ng nasabing inisyatiba na kalaunan ay kinilala at ipinatupad bilang pambansang polisiya ng DA Central Office para sa lahat ng rehiyon. Kaugnay nito, lumagda rin ang ahensya at mga LGUs sa isang memorandum of agreement (MOA) upang masiguro ang maayos at episyenteng proseso ng pag-update.
Upang suportahan ang implementasyon, 93 units ng all-in-one desktop na may printer/scanner at 93 GPS device ang nakatakdang ipapamahagi ng DA RFO 02 ngayong taon para sa eksklusibong gamit ng RSBSA updating. Bukod dito, bahagi ng programa ang pagsasanay sa Georeferencing ng farm parcels kung saan 459 na empleyado mula sa hanay ng mga city at municipal agriculturists, field assistants, at local farmer technicians sa Region 02 ang nakapagsanay na.
Binigyang-diin naman ni DA RFO 02 Regional Executive Director Dr. Rose Mary G. Aquino na ang regular at maayos na pag-update ng datos ay mahalagang hakbang upang makamit ang adhikain ng Bagong Pilipinas tungo sa mas matatag at makabagong sektor ng agrikultura.
“Nais naming ipaalala sa ating mga partner LGUs na mahalagang mai-update ang kanilang RSBSA data kada cropping season upang masigurong ang tulong ng pamahalaan ay napupunta sa mga totoong nangangailangan. Sa ganitong paraan, mas nagiging mabilis, maayos, at makatarungan ang serbisyo para sa ating mga magsasaka at mangingisda,” pahayag ni RED Aquino.
Ayon sa kagawaran, ang pagsasalin ng RSBSA updating sa mga partner LGUs ay bahagi ng layunin ng Bagong Pilipinas na maghatid ng mabilis at inklusibong serbisyo. Sa kakayahang ito, mas napapabilis ang digitalisasyon, naipapakita ang transparency, at natitiyak na ang tulong ng pamahalaan ay direktang napupunta sa mga tunay na magsasaka at mangingisda.
