11 grupo ng mga magsasaka at 52 na munisipalidad sa buong Lambak ng Cagayan ang makikinabang sa ₱30 milyong halaga ng interbensiyon mula sa Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA RFO 02) sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program (HVCDP) para sa pagtatanim nila ng gulay at sibuyas para sa off-season planting ngayong darating na buwan ngayong taon.
Pinangunahan ang aktibidad sa CMP Convention Center, Capitol Compound, Bayombong, Nueva Vizcaya kung saan mahigit 450 magsasaka, lider ng kooperatiba, kinatawan ng mga lokal na pamahalaan, mga kasosyo mula sa pribadong sektor tulad ng Allied Botanical Corporation, at ibat-ibang DA Research Center at Experiment Stations ang dumalo.
Ito ay isa sa mga inisiyatibo ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na ipamahagi ng mas maaga ang mga interbensiyon mula sa Kagawaran ng Agrikultura upang mapakinabangan at magamit ng mga magsasaka at makakatulong sa kanilang pagtatanim sa kanilang mga sakahan.
Mga natanggap na interbensiyon sa bawat Probinsiya: Cagayan: ₱2.6 milyon halaga ng binhi ng gulay na ipinamahagi sa 14 munisipaliadd kabilang ang Alcala, Abulug, Lasam, Sto, Niño, Piat, Iguig, Peñablanca, Solana, Lallo, Balleteros, Claveria, Pamplona, at Buguey.
Isabela: ₱2.25 milyon halaga ng binhi ng gulay para sa 14 munisipalidad at 3 lungsod kabilang ang Cabagan, Sta, Maria, San Mariano, Reina Mercedes, Cabatuan, San Mateo, Cordon, Dinapigue, Jones, Aurora, Luna, Roxas, Quezon, Echague kabilang lalawigan ng Cauayan, Ilagan at Santiago.
Quirino: ₱536,970 halaga ng interbensiyon ang ipinagkaloob sa bayan ng Diffun, Nagtipunan, Cabaruguis, Maddela, Saguday at Aglipay.
Nueva Vizcaya tumanggap ng kabuuang halaga ₱4.99 milyon para sa highland vegetable seeds at 3.02 milyon para sa binhi ng sibuyas, organikong pataba at iba pang kagamitan para sa off-season planting.
Ang mga benepisyaryo ay mula sa Diadi, Ambaguio, Sante Fe, Kasibu, Aritao, Kayapa, Duapax Del Sur, Bayombong, Alfonso Castañeda Quezon, Dupax Del Norte, Bagabag, Solano at ang bayan ng Villaverde.
Nagbigay ng mensahe si Nueva Vizcaya Provincial Agriculturist Mr. Absalom Rizal Baysa sa ngalan ni Governor Jose Gambito kung saan pinasalamatan niya ang DA sa patuloy na pagtulong upang mapabilis ang pag-unlad ng agrikultura sa lalawigan.
“Malaki ang naging ambag ng Department of Agriculture sa mabilis na paglago ng ekonomiya ng Nueva Vizcaya at ngayon ay isa na sa 1st Class Province sa Pilipinas ito ay dahil sa patuloy na tulong at suporta at inisyatibo ng kagawaran na matustusan ang sapat na pagkain sa hapag ng bawat pamilya”, ani ni Baysa.
Nagpaalala rin si Dr. Marvin Luis, OIC-Chief, Field Operation Division ng ahensiya na responsibilidad ng mga benepisyaryo na alagaan at pagyamanin ang mga interbensiyong ipinagkaloob sa kanila.
“Mapalad kayo kung napili ang inyong kooperatiba at asosasyon, sa mga mabibigyan hangad naming na alagaan ang mga ibinibigay ng ahensiya na mga interbensiyon at maging responsable dahil nagsisimula ang tagumpay ng isang grupo kung mayroong tiwala sa isat-isa, pagtutulungan at suporta sa lider o namumuno,” pahayag ni Dr, Luis.
Istorya: Jovyjane Ganat
Litrato: Erwin Cachero
